-- Advertisements --
Rizal Laguna
Rizal, Laguna map

Nagdeklara na ng state of emergency ang bayan ng Rizal sa Laguna matapos ang magkakasunod na kaso ng pagkamatay ng walong residente dahil sa pag-inom umano ng lambanog.

Ayon kay Rizal Mayor Vener Muñoz hinihintay pa ng kanyang tanggapan ang ilalabas na aprubadong budget ng Sangguniang Bayan para matugunan ang pangangailangan ng naulilang pamilya ng mga biktima.

Sinagot naman daw ng kanilang gobernador at kongresista ng distrito ang gastusin ng halos 200 iba pa na isinugod sa iba’t ibang ospital.

Sa ngayon nasa 60 biktima ang nasa East Avenue Medical Center, habang halos 100 ang nasa Philippine General Hospital.

Batay sa hawak ng impormasyon ng alkalde may halong methanol, isang uri ng alcohol ang naturang produkto.

At imbis daw na 1-percent lang ang nakahalo sa kabuuang inumin ay natukoy na 11-percent ang nakalagay sa ininom ng mga biktima.

Kaya naman inaabangan pa nila ang resulta ng test na gagawin ng Food and Drug Administration sa samples ng mga tirang lambanog para sa mas malinaw na paliwanag.

Ayon sa imbestigador ng kaso na si police Staff Sgt. Ronald Balbuena nakausap na nila ang suppler ng lambanog na mula San Juan, Batangas.

Nangako naman daw ito ng pakikipag-tulungan sa insidente.

Una na ngang nagdeklara si Laguna Gov. Ramil Hernandez ng ban sa pagbebenta ng lambanog sa buong lalawigan habang iniimbestigahan ang kaso.