-- Advertisements --

ISTANBUL – Walong katao ang binawian ng buhay matapos sumabog ang isang bomba sa bahagi ng northeast Syria na kontrolado ng Turkish troops at ng kanilang kaalyado na Syrian rebels.

Ayon sa defense ministry ng Turkey, nangyari ang pagsabog sa bayan ng Tel Abyad sa Syria na nasakop ng Turkey sa isang opensiba na nagsimula noong isang buwan.

Itinuro naman ng ministry na ang Kurdish YPG militia ang nasa likod ng insidente.

Itinigil ng Turkey ang kanilang pag-abanse nang makipagkasundo ito sa Estados Unidos at Russia na nananawagan sa YPG na lumayo ng 30 km mula sa border ng Syria at Turkey.

Sa testimonya naman ng isang local government worker sa lugar, sumabog daw ang isang maliit na truck na nasa labas ng isang panaderya.

Inilunsad ng Turkish troops at Syrian rebel fighters ang pananakop upang mapalayas sa border region ang mga YPG, na tinawag ng Ankara bilang isang terrorist group dahil sa ugnayan nito sa Kurdish militants na nagsasagawa ng insurhensya sa southeast Turkey. (Reuters)