
Maayos na nakabalik sa Pilipinas ang walong Pinoy na human trafficking victims na nailikas mula sa bansang Myanmar.
Dumating ang mga ito kaninang madaling araw at sila ay sinalubong ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega at iba pang opisyal ng bansa.
Lumalabas na apat sa mga biktima ay magtatrabahong online scammers sa crypto currency farms at sila ay na-rescue ng Philippine Embassy sa Yangon.
Gumamit daw ang mga biktima ng hindi otorisadong ruta papasok ng Myanmar.
Nang na-recruit daw ang mga Pinoy ay sinabihan ang mga itong nagpanggap na mga turista sa Thailand at iligal na ipinasok sa Myanmar na magtrabaho bilang online scammers.
Inamin naman ng mga biktima na nagawa nila ito dahil pinagbantaan sila kapag hindi susunod sa utos ng kanilang mga recruiters.
Sa ngayon, nagsasagawa na ang bansang Myanmar ng imbestigasyon para malaman ang nasa likod ng iligal na aktibidad.
Nagpasalamat naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga otoridad sa Myanmar sa pagligtas sa mga Pilipino.