MANILA – Walong Pilipinong dalubhasa sa iba’t-ibang larangan ng siyensya ang napasali sa 2021 Asian Scientists 100.
“The Asian Scientist 100 list celebrates the success of the region’s best and brightest, highlighting their achievements across a range of scientific disciplines,” ayon sa Department of Science and Technology (DOST).
Ayon sa ahensya, ang mga napiling kasali sa listahan ng Asian Scientist 100 ay dapat na may national o international na pagkilala dahil sa kanyang pananaliksik.
“Alternatively, he or she must have made a significant scientific discovery or provided leadership in academia or industry.”
Kabilang sa mga itinanghal na pinakamagagaling at natatanging Filipino scientist ng rehiyon sina:
- Dr. Annabelle Briones (Department of Science and Technology) – ginawaran siya ng 2020 Gregorio Y. Zara Award for Applied Science Research dahil sa dinisenyo niyang “mosquito ovoidal/larvicidal trap system” para mabawasan ang mga insidente ng dengue. Siya rin ang direktor ng DOST-Industrial Technology Development Institute.
- Dr. Francis Aldrine Uy (Mapua Institute of Technology) – noong nakaraang taon ginawaran siya ng David M. Consunji Award for Engineering Research dahil sa kanyang mga inilunsad na proyekto, kabilang na ang sensor para sa structural integrity ng mga gusali.
- Dr. Desiree Hautea (UP Los Banos) – ginawaran siya noong nakaraang taon ng 2020 Leads Agriculture Award ng Philippine Association for the Advancement of Science and Technology dahil sa kanyang pag-aaral sa adoption ng “genetically modified” na Bt eggplant o talong sa bansa.
- Dr. Sandra Teresa Navarra (UST Hospital) – mayroon siyang Dr. Paulo C. Campos Award for Health Research ng Philippine Association for the Advancement of Science and Technology dahil sa kanyang natatanging pag-aaral sa sakit na lupus.
- Dr. Kathleen Aviso (De La Salle University) – malaki ang kanyang naging ambag sa larangan ng environmental systems engineering, at sa pag-develop ng bagong optimization models bilang gabay sa mga iba’t-ibang polisiya tungkol sa kalikasan. Ginawaran siya ng 2020 Dr. Michael Purvis Award for Sustainability Research dahil sa naturang inisyatibo.
- Dr. Jonel Saludes (University of San Agustin) – mayroon din siyang pagkilala na 2020 Gregorio Y. Zara Award for Basic Science matapos niyang pag-aralan ang chemical biology ng mga natural products ng iba’t-ibang organismo.
- Dr. Salvacion Gatchalian (Research Institute for Tropical Medicine) – kinilala siya dahil sa kanyang adbokasiya sa tobacco control at pagbabakuna sa mga bata, kaya pinarangalan siya ng Dr. Lourdes Espiritu Campos Award for Public Health. Sa kasamaang palad, kabilang din siya sa mga unang frontliners na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 pandemic.
- Mr. Edgardo Vazquez (Vazbuilt Technology Philippines) – nanalo siya ng 2020 Ceferino Follosco Award for Product and Process Innovation dahil sa inimbento niyang matibay at prefabricated na modular housing.
Noong 2016 nang ilunsad ng Asian Scientist Magazine ang listahan ng 100 sa pinakanatatanging scientist ng rehiyon.
Kahanay ng mga Pilipinong scientist ang mga dalubhasa ng iba’t-ibang larangan ng agham sa Japan, China, Singapore, Thailand, at India.
Ilan sa mga dati nang napasali sa Asian Scientist 100 sina Dr. Raul Destura, na nasa likod ng locally-developed COVID-19 test kits; Dr. Gay Jane Perez, na deputy director-general ngayon ng Philippine Space Agency; at Dr. Philip Alviola, na naglunsad kamakailan ng pag-aaral sa mga paniki at coronavirus.