Nakatakas ang 8 preso mula sa custodial facility ng San Jose Del Monte Police station nitong weekend.
Subalit 4 sa mga ito ay muling naaresto ng mga awtoridad.
Ayon sa imbestigador sa kaso na si Police Master Sergeant Rod Pating na nakatakas ang nasabing mga preso sa pamamagitan ng paglagare sa metal bars sa bintana ng comfort room.
Nadiskubre aniya ang pagtakas ng mga inmate nang humingi ng tulong ang kapwa nila preso sa naka-duty na custodial officer.
Nakuhanan naman sa CCTV footage ang 6 na tumakas na preso na naglalakad sa may San Pedro street, Barangay Poblacion dakong alas-tres ng madaling araw nitong Linggo.
Ang mga tumakas na person deprived of liberty ay sangkot sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Iniimbestigahan na ng kapulisan kung paano naipuslit sa loob ng pasilidad ang ginamit na lagare sa pagtakas ng mga preso.
Sinimentohan na rin at tinakpan ang bintanang dinaanan ng mga preso sa kanilang pagtakas.
Samantala, nagkasa na ng manhunt operation para sa muling pagaresto sa 4 pa na nakatakas na preso.
Nanawagan naman ang kapulisan sa mga pamilya ng nakatakas na mga preso na makipagtulungan sa kanila.