-- Advertisements --

Inanunsyo ng Office of Civil Defense na walong lalawigan ang nakararanas ngayon ng tagtuyot dahil sa El Niño.

Ayon kay OCD Administrator Ariel Nepomuceno, ang ilang mga probinsya na nakakaranas ng tinatawag na tagtuyot o drought ay dahil kulang na ang pagbagsak o pagpatak ng ulan sa bansa.

Matatandaang idineklara ng DOST ang pagsisimula ng El Niño sa probinsya ng Apayao, Bataan, Cagayan, Cavite, Ilocos Norte, Kalinga, Palawan, at Zambales.

Sinabi pa ng opisyal na karamihan sa bahagi ng bansa, bukod sa ilang probinsya sa Mindanao, ay maaaring makaranas ng tagtuyot bandang buwan ng Abril.

Aniya, maaaring sa buwan na ito ay buong Pilipinas na ang makararanas ng tagtuyot dahil sa epekto ng El Nino.

Ang El Niño, na nagsimula noong Hulyo ng nakaraang taon, ay nagpapataas ng posibilidad ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan na maaaring magdulot ng mga negatibong epekto tulad ng “dry spells” o tagtuyot sa ilang bahagi ng Pilipinas.

Una na rito, ang government task force for El Niño ay pormal na nagpulong noong Martes upang talakayin ang mga interventions na kanilang inihahanda bilang tugon sa epekto ng El Nino sa ating bansa.