Nakakaranas ngayon ng tagtuyot dulot ng El Niño phenomenon ang nasa 8 probinsiya sa Pilipinas base sa monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Tinukoy ni NDRRMC executive director USec. Ariel Francisco Nepomuceno ang mga apektadong probinsiya sa Apayao, Bataan, Cagayan ,Cavite, Ilocos Norte, Kalinga, Palawan, at Zambales.
Inaasahan din ayon sa opisyal na pagsapit ng buwan ng Abril halos buong bansa o 50 probinsiya ay makakaranas ng tagtuyot maliban sa ilang lugar sa Mindanao kung kayat kanila na itong pinaghahandaan.
Matatandaan na una ng idineklara ng DOST ang pagsisimula ng El Niño phenomenon sa Tropical Pacific kung saan ang epekto nito ay nararanasan na sa Pilipinas.
Para maibsan ang epekto pa ng naturang weather phenomenon, sinabi ng NDRRMC official na tinatrabaho na ng mga ahensiya ang panandalian at pang-matagalang solusyon dito gaya ng mga irrigation canal, deep wells, cloud seeding at konstruksiyon ng basins at dams.