CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakdang bisitahin ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde ang walong pulis na sugatan matapos magsilbi ng warrant of arrest sa pinaniniwalaang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na inuugnay sa pananambang sa barangay kapitan sa naturang probinsya.
Ito ay matapos unang napatay ng mga pulis ang apat sa mga armadong kalalakihan na sisilbihan lamang sana ng warrant of arrest dahil sa kasong murder.
Sinabi ni Lanao del Sur Provincial Police Office director Police Col. Madzghani Mukaraam, ligtas na ang mga pulis habang patuloy na nagpapagaling sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City.
Ayon kay Mukaraam, ang pagbisita ng PNP chief ay para magbigay ng moral support sa mga pulis na ginawa ang lahat para magampanan ang sinumpaang tungkulin.
Una na ring binigyan ni BARMM PNP regional director Police Brig. Gen. Graciano Mejares ang nabanggit na mga pulis ng medalya at tulong.
Magugunitang kabilang sa napatay ng mga pulis si Geloden Moro Macalatas Ameril na suspek umano sa pagpatay sa barangay kapitan sa nasabing lugar noong taong 2018.