-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Umabot na sa walo ang naitalang sugatan kasama na ang dalawang kritikal matapos ang banggaan ng isang elf truck at multicab sa bahagi ng Brgy. Del Rosario, Tubod, Surigao Del Norte dakong Lunes ng umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan kay P/Cpt. Randy Azote, hepe ng Tubod Municipal Police Station, inihayag nitong patungo sana sa lungsod ng Butuan ang nasirang elf truck na hinihila na lamang ng isa pang elf truck nang napigtal ang ginamit na tali.

Tumawid ito sa kabilang linya ng daan, rason para sumalpok ito sa isang pampasaherong multicab, na may sakay na walong pasahero, na patungo sanang Surigao.

Nakilala ang mga sugatan na sina Michael Bernard Bañosa na taga-Bayugan City; Albert Ehas, 13, tubong San Roque Kitcharao, Agusan Del Norte; Rosemarie Bihag, 49, residente ng Barangay San Roque; Richard Brial, 28, taga-Brgy. Tungao, Butuan City; Junrey Abis, 26, tubong Barangay Tungao; Ramon Lauron Orcullo, 26, guro na taga-Mainit, Surigao Del Norte; Leon Cainoy, drayber ng multicab na taga-Mahayahay, Kitcharao; Reneboy Bagnol Ubang, 38, taga-Brgy. San Juan, Alegria, Surigao Del Norte; Aireen Mahinay, 32, guro na taga Brgy. Anahaw, Alegria; Richarad Marano, 28, taga-Alegria; at Rafael Batus na residente naman sa nasabing lugar.

Dinala sa Caraga Hospital sa Surigao ang mga biktima ngunit ang drayber sa multicab ay ni-refer sa Davao para sa karagdagang medikal na atensiyon.

Nangako naman ang may-ari ng elf truck na aakuhin ang gastos sa pagpapa-ospital ng mga biktima habang ang drayber sa elf truck ay nasa kulungan na ngayon para sa tamang disposasyon.