LEGAZPI CITY – Tiniketan at pinagmulta ng Provincial Government of Albay ang walong turista na mula pa sa Metro Manila at Region 4-A matapos ang hindi otorisadong pag-akyat sa Bulkang Mayon.
Hindi rin nakalusot ang tatlong nagsilbing guides na napag-alamang walang accredited license mula sa Department of Tourism (DOT).
Inihayag ni Provincial Tourism, Culture and the Arts Office (PTCAO) head Dorothy Colle sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nilabag ng mga ito ang tatlong probisyon sa Albay Ordinance 0023-2016.
Kabilang na ang pagbabawal sa camping at overnight stay sa Mayon Camps 1 at 2, kawalan ng permit to climb at pagkuha ng mga hindi otorisadong guides na may katapat na multang aabot sa P5,000 para sa bawat hiker.
Isang concerned citizen ang nagpaabot sa PTCAO na noong Sabado, Oktubre 26 nang umakyat ang mga ito sa bulkan na kasalukuyang nasa Alert Level 2 status.
Agad na nakipag-ugnayan ang tanggapan sa barangay officials at grupo ng local mountaineers sa Albay kaya’t inabangan at nahuli ang mga ito sa pagbaba sa Bonga trail sa bayan ng Bacacay.
Samantala sakaling bigong makapagbayad ng penalty fee ang mga turista, isusumite ng probinsiya ang pangalan ng mga ito sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa kaukulang aksyon.