-- Advertisements --

eleazarcpnp

Nasa 80 indibidwal ang sinampahan ng kaso ng Philippine National Police (PNP) dahil sa iba’t ibang cybercime cases ngayong panahon ng pandemya.

Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, nasa kabuuang 121 na criminal complaints ang isinampa nila sa iba’t ibang korte laban sa 80 indibidwal.

Kasama sa mga kaso ang pagpapakalat ng fake news sa internet, illegal online sale ng medical supplies, at online scams.

Base sa data mula March 9, 2021 hanggang August 9, 2021, sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group at Anti-Cybercrime Group, na 87 criminal complaints ang naisampa laban 52 tao dahil sa fake news; tatlong online scam complaints laban sa dalawang tao at 31 criminal complaints laban sa 26 na personalidad para naman sa online profiteering, overpricing, hoarding at unauthorized selling ng medical supplies.

Sinabi ni Eleazar, bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health safety standards at quarantine protocols, patuloy ang pagtugis ng PNP sa mga masasamang loob na pinagkakakitaan at nanamantala sa pangamba at takot ng ating mga kababayan sa COVID-19.

Paliwanag ni Eleazar, ngayong may pandemya tumaas ang insidente ng mga nagpapakalat ng pekeng balita na nakakabiktima ng mga tao.

Partikular na isinampa sa kanila ang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code; paglabag sa Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law; at paglabag sa Presidential Decree No. 90.

Samantala, nakumpiska naman sa mga unauthorized online sellers ang gallon ng mga disinfectant; vitamin C capsules; forehead thermometers; face masks; at mga bote ng isopropyl alcohol.