Tatlong drug suspeks ang naaresto at karagdagang 80 kilos ng shabu ang narekober ng mga awtoridad sa Bataan sa ikinasang follow-up at pursuit operations kasunod ng P3.4 bilyong pisong buy bust operation kahapon sa Zambales.
Ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang follow-up operation sa Barangay Tipo, Hermosa, Bataan na isinagawa ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP Drug Enforcement group (PNP-DEG), kasama ang NICA, ISAFP at Bureau of Customs laban sa mga kasamahan ng unang apat na napatay na Chinese drug suspects sa Candelaria, Zambales.
Kinilala ni Villanueva ang tatlong arestadong suspek na sina Qing Chang Zhou, 37, na alyas Ricky Chou; Cai Cai Bin, 49, alyas James/Joseph Chua; at Longcai Chang, 45, lahat tubong Fujian, China at residente ng Binondo, Manila.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, na-monitor ang mga ito na papaalis sa lugar ng operasyon sa Zambales kung saan nasawi sa pakikipaglaban sa mga awtoridad sina: Gao Manzhu, 49; Hong Jianshe, 58; Eddie Tan, 60; lahat mula sa Fujian, China; at, Xu Youha, 50, ng Quezon City.
Si Xu, alyas Taba ang umano’y main contact ng international drug syndicate at isa sa biggest importer ng illegal drugs sa bansa at miyembro ng transnational drug trafficking organization.
Sa kabuuan nasa 580 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng halos P4 billion ang narekober ng PNP at PDEA sa dalawang mag kasunod na operasyon.
Sinabi ni Villanueva na ang dalawang operasyon kahapon sa Zambales at Bataan ay nasa ilalim ng Case Operational Plan “Whisperer” na sinupervised ni Asec Gregorio Pimentel, PDEA Deputy Director General for Operations.
Dagdag pa ng PDEA chief ang dalawang operasyon ay malaking dagok sa supply chain ng illegal drugs at sa mismong sindikato lalo at na at neutralized na ang isa sa malaking isda ng sindikato.
“This is a perfect example of inter-agency collaboration which resulted in a major blow to the supply chain of illegal drugs”, pahayag pa ni Villanueva.
Ang mga nasabing iligal na droga ay ini-smuggle sa bansa sa pamamagitan ng international waters gamit ang mga maliliit na mga barko at tina-transport sa mga coastal waters at saka i-pick-up ng kanilang local illegal drugs distributor.
Sa ngayon mayroong ginagawang pursuit operation ang PNP at PDEA laban sa ilan pang mga sindikato.
Una ng ipinag-utos ni PNP chief ang deployment ng kanilang PNP helicopters at speedboats para tumulong sa ongoing pursuit operation laban sa mga sindikato ng iligal na droga.
Sa ngayon nagpapatrulya na ang mga fastcrafts ng Maritime Group sa karagatan ng Central Luzon at nagsasagawa din ng aerial patrol ang helicopter ng PNP.