VIGAN CITY – Tiwala ang Commission on Election na mas maagang matatapos kaysa sa target nilang schedule ang pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa May 13 midterm elections.
Halos 50 million na raw kasi ang natatapos na mailimbag ng National Printing Office (NPO) mula noong nagsimula ang ballot printing hanggang noong Huwebes, March 28.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na ang kabuuang bilang ng mga balotang naimprenta ay 49,569,097 ay halos 80% mula sa kailangang 63,662,481 na balota para sa 2019 elections.
Sa ngayon, ayon kay Jimenez, ang mga balotang kailangan ng dalawang rehiyon na lamang, kasama ang National Capital Region (NCR), ang hindi pa natatapos.
Una nang sinabi ng opisyal na sa April 25 ay target nilang matapos na ang paglilimbag sa mga kakailanganing balota para sa halalan sa Mayo.