-- Advertisements --
DOST PNRI office
IMAGE | Department of Science and Technology – Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) office in Diliman, Quezon City

MANILA – Napag-alaman ng mga mananaliksik ng Department of Science and Technology – Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) na hindi puro ang 80% ng mga ibinebentang produkto na honey sa merkado ng bansa.

Ayon kay Dr. Angel Bautista VII ng DOST-PNRI, lumabas sa ginawa nilang pag-aaral na naglalaman ng syrup mula sa sugar cane o tuba, at mais, ang karamihan sa mga ibinebentang honey sa pamilihan.

Sa pamamagitan daw kasi nito, mas maraming produktong naibebenta ang mga manufacturer nang hindi nangangailangan gumastos ng mahal.

“62 out of the 76 (82%) of honey brands that were found to be adulterated were composed of 95% C4 sugar syrup. So, they are not actually adulterated but they are just completely purely sugar syrup,” ani Dr. Bautista.

Paliwanag ng eksperto, 75% o 12 mula sa 16 na local honey brands sa mga grocery at souvenir shops ang hindi naman talaga gawa sa honey. Maituturing namang impure o hindi purong honey ang 87% o 64 mula sa 74 local brands na ibibenenta online.

“Lastly, from 41 imported honey products marketed in local stores, none of them were found to be adulterated,” nakasaad pa sa DOST-PNRI report.

Dahil dito, nangangamba si Dr. Bautista sa panganib na kakambal ng pagtangkilik sa mga produktong hindi naman gawa sa purong honey.

Pasakit din aniya sa mga talagang beekepers ang kompetisyon sa mga nagbebenta ng pekeng honey products.

“You may be buying honey for its wonderful health benefits, but because of adulteration, you may actually just be buying pure sugar syrup. Consuming too much pure sugar syrup can lead to harmful health effects,” ayon sa chemist.

“This is affecting our local honey industry so badly that we estimate that they are losing PhP200 million per year,” dagdag ni Dr. Bautista.

Ayon sa Philippine National Standard for Honey ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards, wala dapat nakahalo na ano mang food additives ang mga ibinebentang honey sa merkado.

Kung mayroon man, responsibilidad ng manufacturers na ilagay ito sa labelling, kasama ang lugar na pinagmulan ng honey.

“NUCLEAR SCIENCE” VS PANDARAYA

Isang uri ng analysis daw ang nakatulong sa researchers ng DOST-PNRI para matukoy ang resulta ng pag-aaral tungkol sa honey products.

Tinatawag itong “stable carbon isotope ratio analysis.” Sa pamamagitan nito, mapapadali raw ang pagtukoy sa pinagmulan ng isang substance o sangkap.

“This type of analysis allows researchers to see isotopes – elements with same number of electrons and protons but different number of neutrons – which can give clues on the origin of the substance,” ayon sa DOST-PNRI.

“The carbon-13 signature is like a fingerprint of honey and common adulterants like sugarcane and corn are completely different from each other. Therefore, we can differentiate one from the other. This unique isotopic signature is what we are using to tell if honey is authentic or fake,” ani Dr. Bautista.

Naipadala na raw ng team ni Dr. Bautista sa Food and Drug Administration ang findings ng kanilang pag-aaral.

Nanawagan naman ang eksperto para sa mas mahigpit na mga polisiya na magbibigay proteksyon sa industriya ng honey at beekeepers ng bansa.

Kasama ni Dr. Bautista sa pag-aaral sina Marco Lao, at Norman Mendoza mula rin sa DOST-PNRI, at Dr. Cleofas Cervancia, retired professor ng University of the Philippines Los Baños.