Ikinalugod ng MalacaƱang ang resulta ng 3rd quarter survey Social Weather Stations (SWS) na nagpapakitang pumalo sa 78 percent o halos walo sa 10 Pilipino ang kontento sa performance ng Duterte administration.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nangangahulugan itong hindi nakikinig ang mayorya ng mga Pilipino sa mga pamumulitika at paninira ng mga taga-oposisyon.
Ayon kay Sec. Panelo, kinikilala ng Office of the President (OP) na mataas ang satisfaction rating ng mga Pilipino sa mga usapin ng pagtulong ng gobyerno sa mga mahihirap, pagiging transparent ng gobyerno sa mga transaksyon at pagkakaroon ng klarong mga polisiya.
Ipinapakita rin umano ng survey na naniniwala ang mga maraming Pilipino sa pagiging sinsero ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagganap sa kanyang tungkulin.
Inihayag ni Sec. Panelo na kapansin-pansing hindi maikukumpara ang taas ng satisfaction rating ni Pangulong Duterte sa mga nakaraang administrasyon.
Gayunman, hindi tumitingin umano si Pangulong Duterte sa mga numero at nakapokus lang ito sa pagtupad sa kanyang tungkuling ipinagkatiwala sa kanya ng taongbayan nang walang hinihinging reward o pagkilala.