Nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Guiginto, Bulacan sa Bureau of Animal Industry (BAI) para sa mas malawak na inspeksyon sa ilang mga piggery sa lugar.
Kasunod ito sa nangyaring pagpatay sa 81 mga baboy sa nasabing bayan na nakitaan umano ng sintomas ng hog cholera at African Swine Flu (ASF).
Ayon kay municipal veterinarian Dr. Eduardo Jose, nagpositibo sa sakit ang mga pinatay na baboy makaraang dumaan sa pagsusuri.
Sinabi pa ni Jose, binayaran naman ng lokal na pamahalaan ang mga may-ari ng pinatay na baboy na agad ding ibinaon sa lupa para maiwasan ang pagkalat ng impeksyon.
Una nang sinabi ng BAI na maghihigpit sila sa pagbabantay sa pagbiyahe ng mga baboy na galing sa mga lugar na kinakitaan ng mataas na mortality rate ng nasabing alagang hayop.