Inamin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nasa 81 branches ng mga recruitment agencies ang napilitang magsara muna dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, trabaho ng naturang mga manpower agencies ang pagre-recruit ng land-based na overseas Pinoy workers.
“Sa atin pong pinaka-latest na datos, mayroon na pong 13 na main branches ng ating mga private recruitment agencies sa land-based ang nagbigay ng notice sa POEA na sila po ay pansamantalang magsasara,” wika ni Olalia sa isang public briefing.
“At iyong mga branches naman po ng mga nasabing mga licensed recruitment agencies, mayroon po tayong datos na 68 branches ang nagbigay din ng notice na sila ay pansamantalang magsasara ngayon pong panahon ng pandemya.”
Sa ngayon, sinabi ni Olalia na wala pang ulat silang natatanggap tungkol sa mga naapektuhang manning agencies para sa mga seafarers.
Pinayagan na rin aniya ng POEA ang apektadong manpower agencies na i-withdraw ang bahagi ng kanilang P1-million escrow deposit, ngunit sa ilalim ng ilang mga kondisyon.
“Ang ibig pong sabihin noon, pagkatapos po nang lifting ng quarantine protocols po natin at saka lang po natin sila papayagang mag-file ng renewal. Pati po iyong accreditation ng kanilang mga foreign employers, automatically extended din po iyan,” ani Olalia.
“[Ang] dahilan po nito ay napakahirap pong magproseso ng mga papeles po ngayon kaya tayo po ay tumutulong sa ating mga recruitment agencies.”