CENTRAL Mindanao – Umaabot na sa 81 na mga tauhan ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO) ang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Ito mismo ang kinumpirma ni CPPO deputy provincial director Lt. Col. Bernard Tayong.
Dahil sa uri ng trabaho ng pulisya bilang frontliners at serbisyo publiko bilang tagapagligtas ang nakikitang dahilan kung bakit may maraming mga pulis na tinamaan ng COVID-19.
Sinabi ni Tayong na sa pinakahuling datos na ng Intergrated Provincial Health Office (IPHO-Cotabato) nasa 81 na ang nagpositibo sa nakakahawang sakit sa hanay ng pulisya sa probinsya.
Sa ngayon, nasa 29 na lamang ang aktibong kaso o patuloy pang nagpapagaling kung saan galing sa M’lang Municipal Station ang nakapagtala ng maraming kaso.
Dagdag ni Tayong na nasa mild cases lamang ang lahat at naka-quarantine sa kanilang bunkhouse sa kasalukuyan.
Ligtas at malayo sa iba pang pulis ang kanilang isolation facility upang matiyak na iwas ang hawaan ng virus.
Samantala, sinabi naman ni Tayong na bagaman may iilan ng nagpositibo sa kanilang hanay patuloy silang maglilingkod at tuloy pa rin ang serbisyo kahit pa man buhay nila ang nakataya.