-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Humihingi ng tulong ngayon ang 82-anyos na lola nang malapnos ang katawan at masunog ang kanyang bahay sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Gandalia Ibad, biyuda at residente ng Purok 2, Barangay Dungguan, M’lang, North Cotabato.

Batay sa ulat ng M’lang Bureau of Fire and Protection (BFP) na bigla na lamang nagliyab ang bahay ng biktima at hirap itong lumabas.

Sumigaw ng tulong ang mga apo niya kaya nagresponde ang mga kamag-anak at kapitbahay para mailabas si lola sa nasusunog ng kubo.

Agad dinala ang biktima sa M’lang District Hospital nang magtamo ng lapnos sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Base naman sa pagtaya ng BFP-M’lang, humigit sa P50,000 na halaga ng ari-arian ang danyos ng sunog dahil sa lamparang natumba at kumalat ang apoy.

Hiling ni Lola Gandalia sa may mga mabuting kalooban na matulungan siya na maitayo muli ang kanyang bahay at makabili ng kagamitan matapos maabo sa sunog.