-- Advertisements --

COTABATO CITY – Nasa 82 na ang mga communist terrorist group (CTG) ang sumuko sa pamunuan ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central sa loob ng limang buwan ng kasalukuyang taon.

Ayon kay B/Gen. Eduardo Gubat, 6th Infantry (Kampilan) Division, acting commander, pinakahuling naidagdag ay ang limang mga NPA na kabilang sa Dulangon-Manobo na tribu.

Ang mga sumuko ay kasapi ng Sub-Regional Committee Daguma (SRC-Daguma), West Daguma Front ng Far South Mindanao Region (FSMR).

Sinabi ni B/Gen. Gubat na unang sumuko ang dalawang mga tinaguriang lider ng kanilang tribu nitong ika-26 ng Mayo habang ang tatlong taga-sunod ay sumuko naman nito lamang ika-29 ng Mayo lahat ng kasalukuyang taon.

Sumuko ang mga ito sa tropa ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. John Paul Baldomar sa Barangay Hinalaan sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat.

Tinungo naman ng tropa ng 37IB ang kanilang lugar upang magsagawa ng diyalogo at ng outreach program daan upang maimulat ang kanilang kaisipan sa maling paniniwala na dinoktrina sa kanila ng komunistang kilusan.

“Ang bulok na pamamalakad ng dati naming kinaaanibang grupo ang nag-udyok sa amin upang kami ay magbalik loob sa pamahalaan dahil sa ginamit lamang nila ang aming tribu para sa pansariling interes nila”, giit pa ng dating mga rebelde.