-- Advertisements --

Umakyat pa sa 82 ang kabuuang bilang ng mga namamatay sa iba’t ibang dako ng mundo dahil sa novel coronavirus.

Pinakahuli rito ay ang pagkasawi ng isang 50-anyos na lalaki sa Beijing, China.

Ayon sa mga health commission ng Beijing, bumisita raw ang biktima sa epicenter ng outbreak sa Wuhan nitong Enero 8, at nagkalagnat pagkabalik sa Chinese capital makalipas ang pitong araw.

Pumunta raw ito sa ospital nito lamang Enero 21 at pumanaw kahapon dahil sa respiratory failure.

Sa latest data mula sa World Health Organization at sa Chinese authorities, pumalo na rin sa nasa 2,900 ang bilang ng kumpirmadong mga kaso ng n-CoV sa buong mundo.

Sinabi naman ni US President Donald Trump na patuloy ang kanilang close coordination sa China kaugnay sa virus.

Kahapon din nang makumpirma na may tinamaan na rin ng misteryosong sakit sa Cambodia, Sri Lanka, at Canada.

Una nang naitala ang mga kaso ng coronavirus sa Hong Kong, Macao, Taipei, Thailand, Vietnam, South Korea, Singapore, Malaysia, Japan, Australia, France, Nepal, at Estados Unidos. (CNBC)