Nasisiyahan umano ang mayorya ng mga Pilipino sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Batay sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), nakakuha ng plus 70 o “excellent” net satisfaction rating ang anti-illegal drugs campaign ng gobyerno.
Ayon sa SWS, 82% ng mga adult Filipino respondents ang naghayag na kontento sila sa paraan ng pagsugpo ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra iligal na droga.
Samantala, nasa 12 porsyento ang dismayado at anim na porsyento ang undecided.
Nabatid din sa survey na ilan sa mga respondents ang naniniwalang nakatulong ang kampanya ng pamahalaan para lumiit ang bilang ng mga drug suspects at kalakalan ng mga ipinagbabawal na gamot.
Gayundin ang mabawasan ang mga nangyayaring krimen at mapabuti ang peace and order situation sa buong bansa.
Isinagawa ang nabanggit na survey noong Hunyo 22 hanggang Hunyo 26 sa may 1,200 mga adult respondents.