-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño Mendoza, nagpapatuloy ang Provincial Cooperative and Development Office (PCDO) sa pag-implementa ng Serbisyong Totoo Entrepreneurial Program (STEP).

Umaabot sa 50 benepisyaryo na nagmula sa mga bayan ng Matalam at Kabacan Cotabato ang pumirma ng Memorandum Of Agreement para sa 3rd tranche kung saan ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng P5,000 STEP grant, matapos nilang nabayaran sa takdang oras ang STEP loans mula sa una at pangalawang tranches.

Ang nasabing grant ay component ng programa na hindi na kailangan pang bayaran ng benipisyaryo.

Samantala, 32 na benepisyaryo naman na nagmula sa Barangay Bannawag sa bayan ng Kabacan ang pumirma ng MOA upang makatanggap ng P2,000 bawat isa, bilang 1st tranche ng STEP.

Ang STEP ay isa sa mga programang itinatag ni Governor Mendoza mula pa noong 2010 nang siya’y unang naupo bilang Gobernador ng lalawigan upang mabigyan ng karagdagang puhunan ang maliit na negosyante ng probinsya para mapalago ang kani-kanilang munting negosyo.

Sinaksihan ni Provincial Advisory Council (PAC) member Albert Rivera ang nasabing aktibidad bilang kinatawan ni Gov. Mendoza, kasama si Serbisyong Totoo Focal Person Dan Percival Gatus.