CENTRAL MINDANAO-Isang selebrasyon kung ituring ng mga taga-barangay Kiyaab ang pagdating ng mga ahensya ng gobyerno mula sa lokal na pamahalaan ng Antipas Cotabato hanggang sa mga departamento ng pamahalaang panlalawigan at national line agencies.
Sa ilalim ng liderato ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, isinagawa ang Serbisyong Totoo Caravan ngayong Huwebes sa Brgy. Kiyaab, Antipas bilang suporta sa layunin ng E.O. 70 ni Dating Pagulong Rodrigo Duterte na wakasan ang insurhensiya sa bansa sa ilalim ng pamamahala ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pamamagitan ng pagdadala ng mga serbisyo ng gobyerno sa mga itinuturing na conflict-affected areas.
Ngayon, 820 pamilya sa barangay ang tumanggap ng food packs na may sampung kilong bigas, canned goods at noodles. Nagkaroon din ng libreng medikal na konsultasyon, bunot sa ngipin, konsultasyon para sa may katarata at bukol, pamamahagi ng buntis kits, vitamins para sa senior citizens, at supplemental feeding sa mga bata; mayroon ding libreng gupit pati na rin manicure at pedicure.
Masaya din ang mga magniniyog dahil binigyan sila ng tig-20 na coconut seedlings, habang guyabano seedlings naman sa walk-in clients at vegetables seeds na kinabibilangan ng pitong klase ng gulay para sa women’s association na maari nilang itanim sa kani-kanilang mga bakuran.
Nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga magsasaka na iparehistro ang kanilang pananim sa Philippine Crop Insurance Corporation at ang mga nagmamay-ari ng baka at kabayo sa Office of the Municipal Agriculturist ng nasabing bayan upang masiguro ang proteksiyon ng mga ito sakaling magkaroon ng mga sakuna o kalamidad.
Hinikayat din ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Ali B. Abdullah ang mga residente na i-avail ang iba’t ibang serbisyong dala ng ELCAC program upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Kasama rin sa programa ang Metro Arakan Valley Complex Project Management Office, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, barangay officials at iba pang mga stakeholders.