-- Advertisements --
KATE WILLIAM CONVOY 2

RICHMOND, London- Inaasahan na dadalawin ngayong araw ng mag-asawang sina Duke and Duchess of Cambridge Prince William at Kate Middleton ang matandang babae na biktima sa aksidenteng kinasangkutan ng kanilang convoy sa Upper Richmond Rd, London.

Kinilala ang biktima na si Irene Mayor, 83-anyos at mag-isang naninirahan sa East Sheen, West London.

Ayon sa mga saksi ng aksidente, nasa maling linya umano ng kalsada ang police motorbike convoy na naging dahilan upang tumilapon sa ere ang biktima bago bumagsak sa lupa.

Kaagad na rumesponde ang air ambulance at dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital. Nagtamo ang matandang babae ng bali sa kaniyang balakang at mga sugat ngunit sinigurado naman ng mga doktor na nasa maayos na kondisyon na ito.

Napag-alaman din ng mga otoridad, na nagmula ang nasabing convoy sa Windsor Palace upang siguraduhin na walang nakaharang na sasakyan sa dadaanan nina William at Kate na sa mga oras na iyon ay patungo sa Knights of the Garter Ceremony.

Ikinalungkot naman ng mag-asawa nang mabalitaan nila ang nangyari kung kaya’t hindi sila nagdalawang isip na magpadala ng mga bulaklak sa ospital na may kalakip na sulat para sa biktima.