CAGAYAN DE ORO CITY – Nagmistulang “temporary hospital” ang Capitol University dahil sa dami ng mga pasyenteng dumagsa sa isinagawang Bombo Medico.
Nasa mahigit isang milyong piso ang naipamigay ng Bombo Radyo Cagayan de Oro sa katatapos lamang na Bombo Medico 2019.
Kabilang dito ang mga gamot, bitamina, medical supplies, hygiene kits, wheel chair at crutches.
Naging agaw-pansin naman ang isang 83-anyos na lolo dahil nakuha pa nitong makapunta sa Bombo Medico kahit sa kanyang kalagayan na naka-wheel chair at may kaagapay na lumang saklay.
Hindi maguhit ang kasiyahan ni lolo Alfonso Danoy na taga Brgy. Bugo matapos siyang mabigyan ng bagong saklay.
Napag-alaman na 20 taon nang hirap sa paglalakad si Danoy dahil sa sakit nitong arthritis.
Sa ka tatapos na aktibidad, umabot sa 4,862 pasyente ang naging benepisyaryo ng taunang free medical dental at optical mission.
Ilan sa mga naging benepisyaryo ng Bombo Medico dito sa lungsod ay mula sa Metro Manila na naging chance patient o walk-in beneficiaries at mga pasyente na dumayo pa mula Camiguin, Iligan at probinsya ng Bukidnon.
Nagkaroon rin ng feading program ang iba’t-ibang charter ng Eagles Club.
Naging adbokasiya naman ng grupong order of the amaranth, isang masonic-affiliated group ang ‘anti-diabetes campaign’, kung kaya’t nagkaroon ng free diabetes counselling at fasting blood sugar test.
Umabot naman sa 20 dentista mula sa 4ID Philippine Army ang siyang namuno sa pagbunot ng mga sirang ngipin at paglalagay ng dentures.
Samantala, nakatanggap naman ng commendation at congratulatory message ang Bombo Medico ng Bombo Radyo mula sa chairman ng Cagayan de Oro Misamis Oriental Chapter ng Kapisanan ng mga Broadcasters ng Pilipinas.
Sinabi ni Tito Monterde na isa sa pinaka malaking medical mission ang Bombo Medico at hindi matatawaran ang abilidad ng Bombo Radyo Philippines Network sa pagbibigay libreng serbisyo kagaya ng free medical mission sa buong bansa sa iisang araw lamang.