CAUAYAN CITY – Desididong magsampa ng kaso ang pamilya ng 83-anyos na lolo na nasawi matapos mahagip ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang construction worker sa City Road, Brgy. Ambalatungan, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office Traffic Enforcement Unit, isang kulay pulang single motorcycle na minamaneho ni Frederick Tababa, 28, binata, construction worker at residente ng Cordon, Isabela ang nakahagip sa biktimang si Tiburcio Bartolome, 83, residente ng Ambalatungan, Santiago City.
Sa pagsisiyasat ng SCPO Traffic Enforcement Unit, habang lulan ng motorsiklo ay binabaybay ni Tababa ang daan na nasasakupan ng Barangay Ambalatungan patungong Barangay Buenavista ay nahagip ng motorsiklo ang biktimang naglalakad sa pedestrian lane na patungo sana sa barangay hall.
Dinala sa pagamutan ang biktima ng mga tumugong rescue team ng Santiago City ngunit binawian ng buhay matapos magtamo ng malalang tama sa bahagi ng kanyang tadyang.