Naipamahagi na ng gobyerno ang aabot sa higit dalawang milyong kilo ng bigas at kabuuang ₱250-million na halaga ng tulong pinansyal sa mahigit 83,000 na benepisyaryo ng Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program sa Eastern Visayas.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na ang naturang programa sa naturang lugar ay bilang pagsunod sa direktiba ni PBBM na mabigyan ng karampatang access ang bawat mamamayang Pilipino sa murang mga bilihin.
Ito rin aniya ang maituturing na pinakamalaking Cash Assistance and Rice Distribution program na inilunsad ng pamahalaan.
Sa ilalim ng naturang programa, ang bawat benepisyaryo ay nabigyan ng tig ₱1,000 piso na financial assistance.
Ito ay halaga na ibibili naman ng 25 kilo ng bigas sa halagang ₱40 kada kilo.
Bukod dito ay namahagi rin ang DSWD ng tulong pinansyal sa nasabing bilang ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Sila ay nakatanggap ng tig 2000 pesos na halaga ng tulong.
Kabilang sa mga nakinabang sa mga programang ito ay ang mga kabilang sa vulnerable sector tulad ng mga senior citizen, PWD, indigent, at iba pa na pawang mula Tacloban City, Leyte, Southern Leyte, Biliran, Samar, Eastern Samar, at Northern Samar.