CENTRAL MINDANAO – Malaking ginhawa para kay Josefa Barrios Nengasca, 84, ng Barangay Kalasuyan ang panglilibre ni City Mayor Joseph Evangelista sa kanyang birth certificate.
Ginawang libre na ang pagpo-proseso ng birth certificate ng ginang matapos dumulog sa opisina ng alkalde kamakailan lang.
Ipinanganak sa Toledo City Cebu noong March 15, 1935 si Aling Josefa.
Wala siyang dalang birth certificate at iba pang pertinenteng dokumento ng maghanapbuhay at tumira sa Kidapawan noong 1960a.
Nanilbihan siya bilang kasambahay ng isa sa mga kilalang pamilya sa bayan noon sa Kidapawan.
Hindi na umano naasikaso ng kanyang ama ang kanyang rehistro sa Toledo City matapos mamatay ang kanyang ina limang taong gulang pa lamang siya noon at kasagsagan na rin ng World War II.
Maliban sa libreng birth certificate mula sa City Civil Registrar’s Office, inilibre na rin ni Mayor Evangelista ang kanyang authenticated birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority pati na ang kanyang PhilHealth Membership.
Patunay lamang daw ito sa pagmamalasakit at pagpapahalaga sa mga nakakatanda ang naturang tulong, wika pa ni Aling Josefa.
Isa rin siyang indigent senior citizen na nakatanggap ng kanyang P6,000 na Social Pension noong September 5, 2019.
Isa lamang si Nengasca sa mga nakakatanda sa lungsod na natulungan ng City Government kasabay ng pagdiriwang ng Senior Citizens Week na nag-umpisa Oktubre 1 hanggang 7, 2019 sa buong bansa.