Pina-deport na pabalik ng China ang 84 na Chinese nationals mula sa mga sinalakay na illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga ngayong Biyernes, Setyembre 6.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Dr. Winston Casio, halos kalahati ng mga ipinadeport na Chinese POGO workers mula Bamban, Tarlac ang dadalhin sa Shanghai dahil dito aniya sila kinasuhan habang ang natitira naman na nadakip mula sa Porac, Pampanga ay papunta ng Xi’An, ang kabisera ng Shaanxi Province sa central China.
Aniya, inisyal na nasa kabuuang 88 Chinese nationals sana ang nakatakdang ipa-deport subalit na-offload ang 4 sa kanila matapos na gumawa ng gulo sa loob ng eroplano.
Nadiskubre din na ang iba na ipapadeport sana ay may bagong preliminary hold departures na inisyu laban sa kanila.
Sa kabuuan, nasa 1,777 dayuhan na ang napa-deport palabas ng Pilipinas habang may 309 pa na nag-aantay ng kanilang deportasyon.