Naniniwala ang mas nakararaming Pilipino na kailangang palakasin ang kampanya ng pamahalaan laban sa korupsyon.
Batay sa resulta ng survey na inilabas ng Pulse Asia, 84% ng mga Pilipino ay naniniwalang kailangang palakasin ang kapangyarihan ng national Government, batas, at iba pang mekanismo upang malabanan ang korupsyon sa bansa.
Isinagawa ang survey mula Hunyo-19 hanggang Hunyo-23 ng taong kasalukuyan.
Umabot naman sa 1,200 katao ang naging respondents dito.
Lumalabas din sa survey na tatlong porsyento lamang ang hindi pumapabor dito. Habang 13% ang nagsabing hindi nila alam kung pabor sila o hindi sa pagpapalakas sa kampanya laban sa korupsyon.
Samantala, tinanong din ang mga respondents kung ano ang epekto ng korupsyon para sa kanila.
67% sa mga respondents ang nagsabing nawawalan sila ng tiwala sa pamahalaan at sa mga public officials.
44% ang nagsabing nagreresulta ito sa hindi episyenteng pamamahala, habang 47% ang nagsabing nagiging daan ito upang balewalain na ng mga Pilipino ang mga corrupt practices.