-- Advertisements --
image 265

Umabot na sa 85 ang bilang ng mga kumpirmadong namatay sa Yemen habang mahigit sa 300 ang kumpirmadong sugatan.

Ito ay mula sa 78 kataong na inisyal na napaulat na namatay kaninang umaga, ilang minuto lamang matapos mangyari ang stampede sa gitna ng pamamahagi ng pera sa mga mahihirap na residente sa kapital ng Yemen.

Maliban sa walumpo’t limang namatay, umabot na rin sa 322 ang sinasabing nasugatan kung saan hindi bababa sa 50 ang nasa seryosong kalagayan.

Nauna nang kinumpirma ng Interior Ministry ng Yemen na nagsimula ang stampede matapos umanong magpaputok ng baril ang ilang mga Houthi rebel na dumalo sa event. Sa proseso ay tinamaan ang isang electrical wire na dahilan ng pagputok nito.

Ikinatakot naman ito ng mga tao hanggang sa mag-unahan silang umalis sa nasabing charity event na nagdulot ng stampede. Dito ay nadamay ang mga bata at kababaihan, na dahilan ng pagkamatay ng marami.

Sa ngayon, tatlong katao na ang isinakustudiya ng mga otoridad sa Yemen, na posibleng may kinalaman sa nangyaring stampede habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyaring kaguluhan.