Nasa ikatlong araw na ngayon na mababa pa sa 1,000 ang naitatala ng Department of Health (DOH) na mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ito ay makaraang maitala ang 863 na karagdagang kaso coronavirus.
Mula noong nakaraang taon nasa kabuuang 2,830,387 na ang mga dinapuan ng virus.
Samantala, mayroon namang naitalang 791 na gumaling at 142 na pumanaw.
Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso sa bansa, 0.6% (17,853) ang aktibong kaso, 97.7% (2,764,517) na ang gumaling, at 1.70% (48,017) ang namatay.
Mayroon namang dalawang laboratoryo ang hindi operational at dalawa pang lab ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS) ng DOH.
Sinasabing ang datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng apat na labs na ito ay humigit kumulang 0.2% sa lahat ng samples na naitest at 0.1% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
“Pinapaalalahanan ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19. Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards at laging magsuot ng facemask na may face shield, mag physical distancing, at maghugas ng kamay. Agad rin na magpabakuna upang makakuha ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19,” bahagi pa ng abiso ng DOH.