-- Advertisements --

Naniniwala ang 87% o halos siyam sa 10 Pinoy na dapat iprayoridad ang mga bisikleta at pampublikong transportasyon kaysa sa mga pribadong sasakyan sa gitna ng coronavirus pandemic.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), lumalabas na anim na porsyento ng mga Pinoy ang hindi sang-ayon dito, habang pitong porsyento naman ang undecided.

Isinagawa ang survey sa harap na rin ng nararanasang hirap ng mga obrero sa paghahanap ng masasakyan para makapasok sa trabaho na hindi nalalabag ang minimum health protocols na itinakda ng pamahalaan.

Samantala, sa nasabi ring poll na sponsored ng Department of Health (DOH), makikita na 85% ng mga Pinoy ang naniniwala na naging magandang lugar para sa pagbibisikleta at paglalakad ang kani-kanilang mga siyudad o bayan.

Gayunman, walong porsyento ang hindi sang-ayon at pitong porsyento naman ang hindi makapagdesisyon sa isyu.

Gumamit ang survey ng harapan interview sa 1,500 Pilipino sa buong bansa na may edad 18 pataas.

Sa naturang bilang, 600 sa Balance Luzon, at tig-300 sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.