Tuloy-tuloy pa rin na nakakapagtala ng record high na mga bagong kaso ng COVID-19 ang Amerika matapos na umabot sa 87,164 ang naiposte sa nakalipas lamang na magdamag.
Ayon sa Johns Hopkins University ito na ang pinakamarami sa mga COVID-19 cases sa loob lamang ng isang araw mula ng magsimula ang pandemya.
Bago ito, nitong nakalipas lamang na anim na araw nakapagtala rin ng mataas na bilang ng mga bagong nahawa na umaabot sa 83,731.
Labis namang ikinabahala ng mga eksperto ang naitatala sa Amerika lalo na at palapit na sa 9 million mark sa unang siyam na buwan ang health crisis.
Samantala, dumami pa ang mga estado at umabot na sa 41 ang nakapag-record din ng 10% sa pagtaas ng COVID-19 cases.
Dahil dito may pagtaya si Dr. Scott Gottlieb, ang dating commissioner ng US Food and Drug Administration na posibleng abutin pa ng 100,000 ang dami ng mga bagong kaso ng COVID kada araw.
Ito ay kung makakapagsumite lamang ng mga report ang mga estado sa tamang oras.