-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patay ang 88-anyos na lola matapos mabangga ng sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng isang dating Aklan Mayor sa national highway na sakop ng Brgy. Linabuan Norte, Kalibo, Aklan.

Binawian ng buhay si Rosita Redentoy, residente ng naturang lugar habang ginagamot sa Aklan Provincial Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Ayon kay P/Staff Sgt. Jomar Ortega ng Kalibo Police Station, kusang-loob namang sumuko sa pulisya ang driver ng Toyota Fortuner na si dating Banga Mayor Antonio “Antong” Maming, residente ng Subiaga Subd. Kalibo, Aklan.

Batay sa imbestigasyon, minamaneho ni Maming ang SUV habang papuntang direksyon ng Kalibo nang aksidenteng nabundol ang biktima na tumatawid sa kalsada.

Agad na isinugod ang lola sa ospital ng napadaang behikulo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Makato.

Sinasabing nagkaayos na ang pamilya ng nasawing lola at si dating mayor Antong Maming.