-- Advertisements --
WALK OF FAITH

Umabot na sa libu-libong mga deboto ang nagtungo ngayon sa Quiapo Church para dumalo sa isinagawang “Walk of Faith” na bahagi ng pagdiriwang ng Itim na Nazareno.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Quiapo Church Command Post, pasado alas-6:00am pumapalo na sa 88,000 ang kabuuang bilang ng mga debotong nakiisa sa nasabing prosesyon.

Habang tinatayang nasa 39,119 naman ang kabuuang bilang ng mga deboto sa Quiapo Church, at nasa 47,970 naman ang mga nagtungo sa Quirino Grandstand.

Ang naturang prosisyon ay nagsimula sa Quirino Grandstand sa Luneta Park bandang alas-1:30 ng umaga, at nagtapos naman Minor Basilica ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church.

Paliwanag ng pamunuan ng nasabing simbahan, sa halip na isagawa ang tradisyunal na Traslacion ay tanging sa Walk of Faith lamang ang idaraos sa taong ito bilang pag-iingat na rin sa banta ng COVID-19 pandemic.

Samantala, sa panig naman ng seguridad ay sinabi ni Police Captain Rowell Robles, ang commander sa Plaza Miranda, na patuloy ang kanilang pagpapatupad ng seguridad sa lugar bagay na maayos na nasunod naman aniya ng mga deboto na nagbigay-daan para sa isang ligtas at mapayapang pagdaraos ng Walk of Faith.

Kung maalala, sinimulan ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno ngayong taon mula pa noong Disyembre 31, 2022 na tatagal naman hanggang Enero 9, 2023 kung kailan isang misa ang isasagawa sa ganap na alas-12:01am sa pangunguna ni Cardinal Jose Advincula.