TUGUEGARAO CITY – Mariing pinabulaanan ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center na bed ridden ang 89-years old na babae na tumalon-patay sa bintana ng kanyang silid sa 3rd floor ng covid ward ng ospital.
Sinabi ni Dr. Baggao na makikita sa CCTV camera na bago ang insidente ay naglakad pa si Felisa Acosta ng Buntun, Tuguegarao City sa corridor ng COVID ward na sinundan ng dalawang nurse at pinigilan siyang makalayo dahil sa gusto na umano nitong umuwi.
Reaksyon ito ni Baggao sa pahayag ng anak ng lola na si Manuel Cabagui na duda sila na tumalon ang kanyang ina sa bintana dahil siya ay bed ridden at naka-wheel chair sa kanyang bahay.
Idinagdag pa ni Baggao na maaaring nagkasya ang lola sa butas sa bintana sa kanyang silid na may grills dahil payat siya.
Ipinaliwanag pa ni Baggao na bawal ang bantay sa COVID ward at tanging ang mga naka-duty na nurses lamang ang nagsasagawa ng monitoring sa mga pasyente.
Tugon ito ni Baggao sa sinabi ni Cabagui na hindi sila pinayagan na bantayan o bisitahin ang kanilang ina.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si Baggao sa pamilya ng biktima at nangako na may ipatutupad silang mga hakbang upang matiyak na hindi na mauulit ang nasabing insidente.
Sa ibang banda, sinabi ni Baggao na kailangan na sa loob ng 12 oras ay mailibing na ang lola batay na rin sa inilatag na protocol ng Department of Health sa mga suspected COVID-19 patients.