-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Department of Health na nasa 89 mga ospital na ang gumagamit ng oral antiviral drug molnupiravir para sa mga pasyente ng COVID-19 sa kabila ng kawalan ng emergency use authorization (EUA).

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang mga ospital na ito ay gumagamit ng molnupiravir sa ilalim ng compassionate special permit na ipinagkaloob ng Food and Drug Administration (FDA).

Inilarawan ni Vergeire ang molnupiravir bilang isang “game changer” sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19.

Batay sa mga clinical trial sa bisa ng molnupiravir sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, maaaring maiwasan ng gamot ang mga malubhang kaso ng COVID-19 ng 50 percent.

Ang drug manufacturer na MSD ay kumukuha ngayon ng humigit-kumulang 1,300 kalahok sa buong mundo para sa isang clinical trial sa pagiging epektibo ng gamot sa pagpigil sa impeksyon sa COVID-19 sa mga may close contact ng mga positibong indibidwal.