Kaagad ipinatupad ng Philippine National Police (PNP) ang walong oras na duty ng bawat pulis, mula sa dating 12 hrs.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang 12 hrs na dating duty ng mga pulis ay humahantong sa kawalan nila ng oras sa kanilang mga pamilya.
Humahantong din ito aniya sa pagtulog ng mga pulis sa kanilang mga police station.
Ayon kay Marbil, bahagi na rin ito ng kaniyang naging kautusan na pagdedeploy ng mas maraming porsyento ng kapulisan sa mga lansangan.
Una na kasing iniutos ng heneral na 85% ng mga pulis ay dapat nasa mga lansangan at nagsasagawa ng pagpapatrolya.
Ang 85% na ito ay maglalaan ng 197, 200 na mga pulis sa mga lansangan ng bansa.
Ayon kay Gen. Marbil, ang mga ito ay bibigyan ng walong oras lang na duty upang pagkatapos ng kanilang mga duty ay maka-uwi ang mga ito sa kanilang mga pamilya.
Giit ng heneral, kailangan ng mga pulis na makasama ang kanilang sariling pamilya, at hinding-hindi ito aniya ipagkakait sa kanila ng liderato ng pulisya.