Iniulat ng Department of Labor and Employment na aabot na sa 8,000 alien employment permits ang inilabas nito para sa mga dayuhang nagtatrabaho dito sa Pilipinas mula noong Enero hanggang Abril 2024.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang mga dayuhang ito ay ang mga indibidwal na natukoy na nagtatrabaho sa mga lisensyadong Gaming Operators sa ating bansa.
Kasabay nito ay binigyang-diin din ni Laguesma na tanging sa mga Philippine Offshore Gaming Operators firms sa bansa lamang sila hindi nagbibigay ng permit kasunod ng ikinasang imbestigasyon ukol dito ng Senado kaugnay sa umano’y pagkakasangkot ng ilan sa mga ito sa mga ilegal na aktibidad.
Aniya, ang paghihigpit na ito sa mga requirement ay bahagi ng kanilang hakbang upang salaing mabuti ang mga dayuhang nagnanais na magtrabaho sa bansa.
Matatandaan na una nang inanunsyo ng DOLE-CR na ihihinto na nito ang paglalabas ng alien employment permit sa mga Foreign workers ng mga POGO hubs at tanging sa mga empleyado lamang na magtatrabaho sa internet Gaming licenses ito magbibigay ng permit.