ROXAS CITY – Inalala ng isang Capizeña oversease Filipino worker (OFW) ang naranasan na trahedya sa anibersaryo ng September 11 attacks sa naging pagguho ng twin towers sa World Trade Center sa New York City sa Estados Unidos.
Ayon kay Mrs. Lileth Lopez Goyoco, tubong Brgy. Casanayan, Pilar, Capiz, hindi nito inakalang makakasalba siya sa nangyaring pag-atake ng mga al Qaeda group sa kanyang pinagtatrabahuan.
Ikinwento nito na bago ang nangyaring pambobomba, nasa 36th floor siya ng Tower 1 na siyang napapagitnaan ng eroplanong sumalpok sa twin tower.
Dahil dito, pinababa sila mula sa nasabing palapag gamit ang hagdan, ngunit habang lumilikas ang mga ito, nakikita niya ang pagtalon ng ilang mga empleyado sa bintana sa kagustuhang makaalis sa nasabing building.
Ngayong dalawang dekada na ang nakalipas, nananatiling sariwa sa kanyang isipan ang nangyaring trahedya.
Ilang taon din siyang hindi lumabas sa kanilang bahay pagkatapos ng insidente dahil sa naidulot na trauma, ngunit nilakasan niya ang kanyang panalangin at ngayon ay tahimik na itong naninirahan sa New Jersey, sa Estados Unidos.