Nakaranas ng malamig na umaga ang mga residente ng La Trinidad, Benguet, nang bumagsak ang temperatura nito sa 9.4°C. Iniulat ng state weather bureau na mas mababa ang temperatura sa ibang bayan ng Benguet, kabilang na ang pagkakaroon ng frost sa bayan ng Atok, lalo na sa pinakamataas na tuktok ng bayan ng Paoay.
Bagamat may frost sa Atok, wala namang naiulat na pinsala sa mga tanim ng gulay. Nagpatupad naman ang mga magsasaka ng mga hakbang upang protektahan ang kanilang mga pananim, tulad ng pagdidilig sa umaga upang maiwasan ang pagbuo ng frost.
Ayon pa sa Pagasa, ang malamig na panahon ay dulot ng northeast monsoon o amihan at easterlies at patuloy na makakaapekto sa Luzon, lalo na sa hilagang bahagi nito, na nagdudulot ng maulap na kalangitan at mahinang mga pag-ulan.
Asahan rin ang muling pagbugso ng amihan na magpapatuloy sa pagpapalamig sa hilaga at silangang bahagi ng Luzon.
Samantala, sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay inaasahang makakaranas ng bahagyang maulap na kalangitan at mga mahihinang pag-ulan.
Ang easterlies o mga mainit na hangin mula sa Pacific, ay nagdudulot ng pagtaas ng humidity at malakas na pag-ulan sa Visayas at Mindanao.
Nagbigay rin ng babala ang state weather bureau ukol sa posibleng pagbaha at landslide sa mga lugar na apektado ng matagal na pag-ulan, kabilang ang silangang Visayas, Samar, southern Leyte, Caraga, at Zamboanga Peninsula.
Hinikayat din ng Pagasa ang publiko na maging maingat, lalo na sa mga lugar na madalas bahain at magkaroon ng landslide.