-- Advertisements --

LEGAZP CITY – Nagpaabot na ng pagbati ang mga opisyal ng Albay sa binansagang ”chess prodigy” na si Bince Rafael Operiano matapos itong humakot ng award sa kakatapos pa lamang na 6th Eastern Asia Youth Chess Championship sa Bangkok, Thailand.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay 3rd District Rep. Didi Cabredo, napahanga umano siya sa dedikasyon at pagta-tiyaga na ipinakita ng siyam na taong gulang na chess player makasabak lamang sa nasabing kompetisyon.

Nabatid na bago pa man makabiyahe, tatlong gabi munang nakitulog si Bince at ang kanyang ama sa terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil nag-antay pa ng flight ticket mula sa Philippine Sports Commission.

Hindi rin nakasama sa biyahe ang kanyang ama dahil si Bince lamang ang nabigyan ng ticket kung kaya nakisabay na lang ang chess player sa kanyang team.

Mabuti na lang umano at nakahabol ang ama sa Thailand matapos na matulongan ng mga lokal na opisyal at kaibigan sa panggastos sa biyahe.

Subalit sulit naman ang mga pagpapagod nito dahil nakapag-uwi ang batang chess player ng apat na medalya, isang gold, isang silver at dalawang bronze at may kasama pang isang trophy.

Ngayong araw inaasahang makakauwi na si Bince sa kanilang tirahan sa Barangay Busak, Oas, Albay kung saan nag-aantay na ang mga sabik na sabik na kaanak at mga kaibigan nito.