NAGA CITY – Halos 10 menor de edad ang isinugod sa ospital matapos umanong malason ng bunga ng halamang puno ng tuba-tuba.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Edmer Miraballes, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Pasacao, sinabi nitong naglalaro ang mga bata sa Barangay San Cerilo, Pasacao, Camarines Sur, nang napagkatuwaan ng mga ito ang bunga ng nasabing puno ng kahoy.
Ayon kay Miraballes, kinain ng mga bata ang bunga hanggang sa nagsimula nang makaramdam ang mga ito ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Kaugnay nito, agad namang isinugod sa ospital ang mga biktima na nasa 14 hanggang 16-anyos ang mga edad.
Sa ngayon, nagpapagaling pa sila habang nagpaalala naman ang mga otoridad na iwasang kumain ng mga nakakalason na halaman.
Ang tuba-tuba ay kilala rin sa tawag na tubang bakod, isang uri ng puno ng kahoy na madalas gamitin sa probinsya sa paggawa ng bakod ng mga kabahayan.