KUNDUZ, Afghanistan – Patay ang siyam na bata matapos masabugan ng landmine sa bahagi ng northeastern Afghanistan nitong Sabado (local time).
Nangyari umano ang pagsabog sa Darqad district sa Takhar province, nang maapakan ng mga bata ang landmine na itinanim sa isang kalsada na kontrolado ng Taliban.
Ayon kay Jawad Hejri, tagapagsalita ng Takhar provincial governor, nasa edad pito hanggang 11 ang mga bata na pawang mga lalaki.
Sa ngayon, wala pang grupong umaako ng responsibilidad sa insidente.
Nitong nakaraang buwan nang maglabas ng report ang United Nations kung saan nakasaad na mayroon umanong “unprecedented” number ng mga sibilyang napapatay o nasusugatan sa Afghanistan mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.
Sa report, nakapagtala na raw ng 1,174 patay at 3,139 sugatan mula sa nasabing panahon, na mataas daw ng 42% kumpara noong 2018. (AFP)