CAUAYAN CITY- Siyam na katao ang naitalang nasawi sa COVID-19 sa Cagayan nitong Miyerkules, April 7, 2021.
Ito na ang pinakamataas na bilang ng nasawi dahil sa virus sa loob ng isang araw lamang simula nang magka-pandemiya.
Batay sa tala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ng PHO Cagayan, ang Tuguegarao City ay nakapagtala ngayon ng 7 karagdagang COVI-19 deaths kung saan tatlo ang unang naiulat ngayong araw habang 4 pa ang hinihintay ang mga detalye at mga CV code.
Ang bayan naman ng Tuao at Aparri ay nakapagtala ng tig-isang COVID-19 death ngayon.
Araw-araw simula unang araw ng Abril ay may naiuulat na nasasawi dahil sa virus sa Cagayan.
Sa loob ng 7 araw lamang ay umabot na sa 19 ang namamatay sa lalawigan.
Sa talaan ng PESU, nasa animnaput anim na ang kabuoang bilang ng mga namamatay sa Cagayan na sanhi ng virus.
Ang Tuguegarao City ay nakapagtala na ng 28 na pinakamaraming COVID-19 deaths sa buong lalawigan.
Samantala, nakapagtala naman ng 32 na panibagong COVID-19 positive cases ang buong Cagayan.
Dahil dito umakyat na sa 1,476 ang total COVID-19 active case sa ngayon.
Higit ngayong ikinababahala ni Gobernador Manuel Mamba ang sitwasyon sa Cagayan dahil sa mabilis na pagdami ng bilang ng mga nasasawi dahil sa virus.
Muling hinikayat ng Gobernador ang publiko na ibayong mag-ingat kalakip ng taimtim na dasal para makaligtas at mailayo sa panganib na dulot ng kasalukuyang pandemya.