CENTRAL MINDANAO-Kinumpirma ngayon ng LGU-Midsayap na siyam (9) sa mga empleyado nito ang nagpositibo sa Coronavirus disease o COVID-19.
Ito ay matapos sumailalim sa Antigen Test ang mga empleyado ng LGU.
Pito sa mga ito ay nakaranas ng sintomas ng Covid 19 kung kaya’t isinailalim ang mga ito sa confirmatory testing sa pamamagitan ng RT-PCR Test.
Dahil dito, agad na ipinag-utos sa mga direct at close contacts ng mga nagpositibo na sumailalim sa quarantine.
Agad ding nagsagawa ng decontamination at disinfection procedures sa mga opisina ng LGU.
Ayon kay Councilor Dr. Vivencio Deomampo Jr., Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 Chair, pansamantalang hihigpitan ang mga galaw sa Municipal Compound ng LGU-Midsayap kung saan bawal muna ang mga non-essential movements rito.
Magbabalik-normal sa operasyon ang mga opisina ng LGU sa araw ng Lunes, March 15, 2021, ngunit magiging limitado lamang ito sa mga empleyado at kliyenteng may mahahalagang transaksyon.
Suspendido din ang Flag Ceremony at logging-in procedures hanggang sa magiging maayos na ang sitwasyon.
Tiniyak naman ni Mayor Romeo AraƱa na gagawin nila ang nararapat at makakaya upang hindi na kumalat pa ang nasabing sakit na hindi makakakompromiso sa serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, nasa Municipal Isolation Facility na ang 9 na mga empleyadong nagpositibo sa COVID-19 at nagpapatuloy din ang ginagawang contact tracing sa mga nakasalamuha nito.