CEBU CITY – Nagsanib-pwersa ang siyam na gobernador mula sa Visayas region kasama si Cebu Gov. Gwen Garcia sa paglagda ng Manifesto of Support para sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang naturang paglagda sa manifesto ay isang highlight ng opening salvo ng ika-455 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Cebu kahapon, Agosto 5.
Kabilang sa mga lumagda sina Iloilo Governor Arthur Defensor Jr.; Southern Leyte Governor Damian Mercado; Gov. Ben Evardone ng Eastern Samar; Siquijor Governor Jake Villa; Guimaras Governor Joaquin Carlos “JC” Nava; Aklan Governor Jose Enrique Miraflores; Negros Occidental Governor Eugenio Jose “Bong” Lacson; at Bohol Governor Erico Aris Aumentado.
Ang paglagda nito ay kasunod ng pagpapakita ng puwersa ng mga opisyal ng Cebu bilang suporta sa Bagong Pilipinas na pananaw ni Pangulong Marcos.
Nagpapahiwatig din ito ng iisang pananaw at determinasyon ng mga Gobernador na suportahan ang mga hakbangin sa kaunlaran para sa ikabubuti ng mga Pilipino.
Samantala, naantig at naging emosyonal naman sa kanyang talumpati si First Lady Liza-Araneta Marcos sa ipinakitang pagkakaisa ng mga opisyal.
Aniya, hindi pa umano adali ang ginagawa ng Pangulo at ikinalungkot naman nito na mga negatibo lamang umano ang nakikita ng mga tao pero marami pa umanong magagawa ang pagkakaisa.