Asahan umanong madadagdagan pa ang bilang ng mga Pinoy na stranded sa ibayong dagat ang makakauwi na sa ating bansa sa pamamagitan ng Subic Bay International Airport (SBIA) sa Olongapo City.
Sa report na ipinaabot kay Immigration Commissioner Jaime Morente ni BI-Clark International Airport (CIA) head supervisor Maan Krista Lapid-Legaspi, sa ngayon ay nasa 9,111 na raw na mga Pinoy ang nakarating sa bansa mula noong buwan ng Hulyo.
Kasabay ito ng pagbubukas ng special commercial flights sa ibang bansa para sa mga Pinoy na naipit dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“We assure PAL and our stakeholders in Subic that our officers will always be available to process the passengers of these repatriation flights. Upon receiving the advanced notice on the schedule of these flights, we designate the number of immigration officers to provide arrival formalities,” ani Morente.
Ang lahat ng mga umuwi sa bansa ay lulan ng flag carrier na Philippine Airlines (PAL) na mayroong tatlong biyahe kada linggo na mayroong 200 hanggang 300 Pinoy passengers.
Sa ngayon, nasa 33 flights na raw ang mga eroplanong lumapag sa naturang paliparan mula nang simulan ang repatriation ng mga oversease Filipino workers (OFWs).
Tiniyak naman ni Morente na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa airline company para sa pagpapalikas sa mga Pinoy na gusto nang umuwi sa bansa.